Noong 1984 lumuwas ako ng Maynila upang mag-aral, kumuha ako ng pag-susulit sa iba't-ibang pamantasan dito, kabilang na ang Pamantasan ng Santo Tomas (di ako nakapasa dito, ewan ko nga ba kung bakit, siguro talagang mataas ang kalidad ng edukasyon dito, ngunit may medalya naman ako ng magtapos ng Mataas na Paaralan ng Inicbulan) at Adamson University kung saan ako pumasok. Una kong kinuhang kurso ay Bachelor of Science in Civil Engineering. Ang kasalukuyang Dean namin noon ay si Dean Peter Ureta at ang natatandaan kong mga kamag-aaral ay sina Ms. Cabrera ng Pasay, Mr. Arnold (may malaki siyang nunal sa may ibaba ng ilong) ng Laguna, Mr. Noel Musni ng BLISS Guadalupe at ang naging best friend ko si Ariel Cajucom Farin ng Nueva Ecija at marami pa akong naging kaibigan na di ko na matandaan ang mga pangalan. Dahil sa hirap ng buhay namin noon, napilitan akong mag-trabaho at natanggap naman ako bilang kahero sa HARBOR VIEW RESTAURANT sa Rizal Park, Manila makalipas ang isang taon (1985) ng aking pagluwas ng Maynila.
Talagang napakahirap maging isang working student, trabaho sa umaga, aral sa gabi. Napilitan din akong magpalit ng kurso noong 1986 dahilan sa napakaraming hinihingi sa akin ng una kong kurso sa Engineering, panahon, gawaing pagsasaliksik at mga field works na hindi ko na kayang matugunan dahil sa aking trabaho. Pinili ko ang kursong nakatuon sa pangangalakal (Commerce, Major in Accounting) at tuloy-tuloy ko naman itong napagsumikapang matapos. Nagtapos ako noong 1992 ng kursong ito, na naging dahilan upang maabot ko ang aking kasalukuyang katayuan sa aking trabaho, dito pa rin sa HARBOR VIEW RESTAURANT sa Rizal Park, Manila na ngayon ay may balak ng magtayo ng bagong HARBOR VIEW RESTAURANT sa Sunset Strip @ Esplanade sa Mall of Asia, Pasay City. Malaki ang aking utang na loob sa nagpasok sa akin dito sa Harbor View na si Rosalia "Rose" Ilagan Maghari na kasalukuyang naninirahan na sa Estados Unidos.
Ang Harbor View nga pala ay binuksan noong 1985 at pag-mamay-ari ng tatlong magkaka-ibigan na sina Ildefonso "Chito" Santos CObarrubias , Virginia "Ginia" Cobarrubias BAltasar at Demetrio "Demmie" Castro DIZon ang mga pangunahing may-aring aksiyon (Major Stockholders) ng COBADIZ ENTERPRISES INCORPORATED. Nag-umpisa kami dito na may humigit kumulang na 30 manggagawa at patuloy na lumalaki, sa kasalukuyan mahigit na kaming 100 manggagawa dito (napakalaking tulong sa ating naghihikahos na ekonomiyang pambansa). Napatampok na rin ang Harbor View sa iba't-ibang larangan ng pamamahayag, sa telebisyon at magasin (TIME magazine) na lalong nagpatingkad ng pagkakilala sa restorang ito, bukod pa sa pagbisita ng mga sikat na aktor, pulitiko at kaanib ng iba pang larangan ng sining. Kumain na rito sa iba't-ibang pagkakataon ang unang pamilya, Gloria Macapagal Arroyo at asawa niyang Miguel Arroyo at kanilang mga anak na sina Luli at Datu Arroyo.
Labis naming ikinalungkot ang pag-panaw ni Ma'am VCB (Virginia Cobarrubias Baltasar, 1935 - 2000) noong ika-lima ng Disyembre. Naging napaka simple tuloy ng aming pagdiriwang ng pasko ng taong iyon. Siguro dahil na rin sa kanyang mga panalangin kaya patuloy pa rin kaming lumalago dito sa Harbor View. Isa pa nga pala, ninang namin siya sa kasal. Taong 1999, sumasailalim na siya sa "chemotherapy", ngunit pinilit pa rin niyang makarating sa aming kasal sa Simbahan ng Immaculada Concepcion sa Bauan, Batangas Arsidiyosesis ng Lipa, kabilang siyempre ang iba pa naming mga ninong at ninang, Chito Cobarrubias at Demetrio Dizon, Felimon C. Ilagan, Lorna G. Manalo, Gregoria R. Ilagan, Jamnia R. Fujita at siyempre pa di maaaring kalimutan ang aming pinakamamahal na ninong at ninang na sina Rev. Fr. Eleuterio "Eyong" C. Ramos at Sr. Merna C. Virtucio, FDCC at pinangunahan ang pagdiriwang ng aming kasal ni Rev. Fr. Aloysius "Jing" Buensalida.
1 comment:
Genial fill someone in on and this fill someone in on helped me alot in my college assignement. Gratefulness you seeking your information.
Post a Comment