Saturday, November 19, 2011

OUR SPECIAL DAY 1120 2011

Humigit-kumulang labindalawang oras buhat ngayon, labindalawang taon na ang nakalipas, malayang ipinahayag namin ang aming pangako sa isa’t-isa na kami ay magsasama sa Hirap at Ginhawa, sa Dusa at Ligaya buhat noon at magpakailanman. Mabilis na lumipas ang panahon, sa kabutihan ng Diyos biniyayaan kami ng dalawang supling, kapwa nag-aaral at patuloy na nililinang ang kanilang isipan upang sila rin ay maka-pagbahagi ng kung anumang biyaya ang ipagkakaloob sa kanila sa darating pang mga panahon.


Sa loob ng labindalawang taon:

Marami na rin kaming nakilalang mga ANDRES, na siyang naglapit sa kanyang kapatid na si Pedro patungo kay Kristo. Sila man ay patuloy ring nag-aanyaya sa amin upang mabuhay nang malapit sa Diyos.

Mga nagmula sa mayayamang angkan, dugong bughaw, katulad ng mga BARTOLOME na kahit na sa likod ng kanilang katanyagan ay patuloy pa ring nakiki-isa sa amin.

Ang kauna-unahan sa labindalawa na naghandog ng kanyang buhay para kay Kristo, si SANTIAGO na kapatid ni Juan, ang mga SANTIAGOng ito ang nagtuturo sa amin na kami man kahit sa maliliit na bagay ay maaaring makapaghandog sa iba.

May mga nakilala rin kaming mga SANTIAGOng naniniwala na hindi kailangang maging tanyag ka upang makapaglingkod kay Kristo, mga SANTIAGOng nananatiling mapagkumbaba ngunit patuloy pa rin gumagabay sa amin.

Mayroon ding mga JUAN, na siyang nagiging gabay namin sa pagtingin sa hinaharap upang makita namin ang mga bagay-bagay na siyang gagawin naming mga tungkod sa pagtahak sa buhay na ito.

Marami-rami na rin kaming nakaugnayang mga JUDAS, na ginagamit kami upang maisakatuparan ang mga pansarili nilang adhikain, mga nanira ng aming dangal na di man lamang nakita ang kanilang sarili, magagaling sa usapang talikuran. Ngunit salamat din sa inyo, pinatibay ninyo kami.

TADEOng kapatid ni Santiago, isa ring mapagkumbaba at pinagkalooban ng biyayang manggamot. Ang mga TADEOng ito ang siyang nagiging aliw namin kung kami’y nanghihina at may dinaramdam.

May mga MATEO rin kaming nakilala, mga taong minsan ay kinamumuhian ng maraming tao ngunit sa kabila noon magaganda rin naman ang kalooban.

Ang pinakamarami naming kakilala ay ang mga PEDROng naging pangunahin naming gabay, silang umaakay at nangunguna sa amin sa mga adhikain naming gustong marating. Silang takbuhan namin kung kami’y binabagabag ng pagkakataon.

Ang mga FELIPEng naging katulong ni Kristo sa pagpapakain ng pinaraming tinapay. Sila na ginagawang daluyan ng Diyos upang ihatid sa amin ang mga kinakailangan naming biyaya. Ang mga may-ari ng kumpanyang aming pinaglilingkuran.

May nga SIMON din na handang isakripisyo ang kapangyarihan para kay Kristo. Sila ang natuturo sa amin na dapat unahin ang Diyos higit sa ano pa man.

TOMAS , silang mga nagdududa sa aming kakayahan, ngunit kung aming napatunayan na sila ay nagkamali, sila mismo ang nagtutulak sa amin sa dapat naming gawin basta ito ang tama.

Di pahuhuli ang mag MATIAS na handang tanggapin na sila ang kapalit sa mga kakulangan. Sila na handang magmahal kahit na huli silang dumating sa aming buhay.

Sa aming mga kaibigan, kamag-anak at mga kakilala, alam ninyo kung sino kayo sa buhay namin.

Maraming salamat po sa inyong lahat nang dahil sa inyo, tumibay kami, patuloy na nagmamahalan at sinusunod ang kagustuhan ng Diyos, kahit paminsan-minsan ay naliligaw din ng landas, itinutuwid at ginagabayan ninyo kami.

We are now celebrating our 12th Year Anniversary on this special day 11-20 20-11 !



No comments: