Tuesday, November 27, 2007

50 Years of Maternal Love and Care - A Thanksgiving


Noong nakaraang Linggo 25 Nobyembre 2007, ika-siyam ng umaga ay ginanap ang isang Banal na Misa sa bagong gawang Kapilya ng Birhen ng Medalya Milagrosa sa Inicbulan, Bauan, Batangas sa pangunguna ni Opispo Salvador Quizon na sinamahan ng iba pang mga pari ng Arsidiyosesis ng Lipa (of course with Rev. Fr. Eleuterio C. Ramos, ang tunay na anak ng Inicbulan as described by the Bishop on his homily). May ginanap na misa sa loob ng siyam na araw bago ang kapistahan.

As the whole Christiandom celebrates the Feast of Christ the King on the 25th of November 2007, Inicbulanos have double reason to celebrate the day.

Humigit kumulang isang taon ang paghahandang ginawa na pinamunuan ni Crispin A. Rivera, Jr., President - Executive Committee. The theme for this special occasion is - "50 Taon ng Maka-Inang Pagmamahal at Pagkalinga - Isang Pasasalamat"


Ipinakita ng Diyos ang Kanyang Kadakilaan sa naturang pagdiriwang, dalawang araw bago ang kapistahan na ipinagdiwang buhat 24 - 27 ng Nobyembre 2007 ay napabalita na may paparating na isang "super" bagyo (MINA) na daraan sa ika-5 rehiyon at siguradong malaking ang epekto sa Katimugang Tagalog, dahilan sa panalangin ng napakaraming Inicbulanos ay hindi hinayaang masira lahat ang paghahandang ginawa. Nagpa-ikot ikot lamang ang bagyo sa karagatan at nag-iba ng direksyong tinahak ito, isang napakalaking himala para sa mga taga-nayon ang nangyari.

Natuloy ang Coronation Night ng mga nahirang na Lakan at Mutya ng Inicbulan 2007, isang pagdiriwang na dinaluhan ng napakaraming taga-nayon at mga piling panauhin na ginanap noong gabi ng ika-24 ng Nobyembre na umabot halos ng hating-gabi, ang naging Guro ng Palatuntunan ay si Josie Abante-Sabalvarro at ako. Dahilan siguro sa kauna-unahan kong pagiging MC sa ganitong kalaking pagdiriwang maraming pagkakataon na ako'y nabubulol at kinakabahan, ngunit pagkatapos naman ay nasabihan rin akong isang magaling na MC ni Gng. Pacing Rivera ang asawa ni G. Crispin Rivera, Jr., maraming salamat po!

Kung natuloy siguro sa takdang panahon ang simula ng Parada Sibika di sana ito inabot ng kaunting ulan, dalawang banda ng musiko ang kasama sa mahigit sampung karosa na sinakyan ng mga Lakan at Mutya, may kinatawan din sa Mababa at Mataas na paaralan ng Inicbulan, di rin nagpahuli ang bawat purok na may kanya-kanyang prinsesa at prinsipeng ipinakita.

Ipinag-utos din na walang paparada sa lansangan mula ika-11 ng umaga hanggang ika-4 ng hapon na siyang inaasahang dadagsain ang nayon ng napakaraming mamimiyesta, na siya nga ang nangyari, halos di maubos ang mga tao sa kalye at ang bawat bahay ay talaga namang sari-saring putahe ang makikita mo sa mesa.

Ang prusisyon ay nag-umpisa ng ika-anim ng hapon na sinamahan ng napakaraming tao.

May ipinagdiwang na namang misa sa araw ng kapistahan, ngayon ika-27 ng Nobyembre sa pangunguna ni Reb. Pre. Eleuterio C. Ramos.

Gusto ko sanang ibahagi ang panalangin na aking pinangunahan sa pagtatapos ng Coronation Night na halaw sa panalangin ng palatuntunan sa Radio Veritas - Pamilya Muna nina Kuya Bernard CaƱaberal, Ate Jovy Barreto, at Ate Rose Barin tuwing ika-10 ng umaga hanggang ika-11:55 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes.

PANALANGIN PARA SA PAMAYANAN NG INICBULAN

+Sa Ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, AMEN

Panginoon, maraming-maraming salamat po sa isa na namang araw na ipinagkaloob ninyo sa aming pamayanan ng Inicbulan.

Hiling po namin na basbasan mo at pakabanalin ang aming pamayanan at ang lahat ng dito ay naninirahan, at sa maraming biyaya at grasiyang aming tinatanggap pati na sa mga halimbawang ipinakita sa amin ng Banal na Mag-anak, ang aming taos pusong pasasalamat.

Panginoon, itinataas po namin sa inyo ang lahat ng aming mga pagsubok , maging ang aming mga kaligayahan upang ang aming pamayanan ay maging dambana ng kapayapaan, kalinisan, pag-ibig, pag-gawa at pananampalataya. Ingatan mo po at basbasan ang bawat isa sa amin sa lahat ng uri ng tukso, panganib, kalamidad at kasamaan.

Hesus, Maria at Jose tunghayan nawa nang inyong mga pusong mahabagin ang lahat ng mag-anak sa buong mundo. Ipagkaloob po ninyo sa amin ang biyaya at grasiya na maging mabuting mga ama at ina, pakabanalin at gawing masunurin ang aming mga anak upang ang aming tahanan dito sa lupa ay maging larawan sa tahanang puno ng kaligayahan at pagmamahalan, tahanan na iyong inihahanda para sa amin sa langit.

Maraming maraming salamat po!

Mahal na Birhen ng Medalya Milagrosa, Ipanalangin po ninyo kami (3X)

+Sa Ngalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, AMEN

No comments: